Ang Kuwento ng Mariveles, Ayon sa Isang Anak ng Bayan
Ako si Pocholo De Leon Gonzales, ang VoiceMaster ng Pilipinas, tagapagtatag ng Mariveles Historical Society and Project, at higit sa lahat, isang tunay na anak ng Mariveles.
Lumaki ako sa Barangay San Carlos, na dating tinatawag na Pasak at minsang bahagi ng mas malawak na Camaya. Kaya para sa akin, ang kasaysayan ng Mariveles ay hindi lamang koleksiyon ng mga petsa, pangalan, at lumang dokumento. Kasaysayan ito ng aking bayan, ng aking pamilya, at ng mga taong ang dugo, pawis, at sakripisyo ay nananatili sa lupang aking pinagmulan.
Ito ang “Pochology Tells History.”
Hindi lamang ito pagkukuwento tungkol sa nakaraan. Isa itong paghahanap sa katotohanan, pagbibigay-buhay sa mga nakalimutang pangalan, at pagpapaalala sa bagong salinlahi na ang Mariveles ay hindi basta bayan sa dulo ng Bataan.
Ang Mariveles ay naging saksi sa pagdating ng mga dayuhan, pag-aalsa laban sa mga mananakop, mga labanan sa dagat, pagtatatag ng mga kuwarentenas at ospital, paghahanda sa digmaan, at pagsisimula ng isa sa pinakamadilim na kabanata ng kasaysayan ng Pilipinas, ang Death March.
Bago Naging Mariveles
Bago pa ito nakilala bilang Mariveles, ang ating bayan ay tinatawag na Camaya o Kamaya.
Sa aking pananaliksik, malinaw na ang pangalang Camaya ay hindi lamang alamat o palamuti sa kasaysayan. Isa itong sinaunang pangalan na nag-uugnay sa atin sa panahong bago pa tuluyang naitatag ang pamahalaang kolonyal ng Espanya sa bahaging ito ng Bataan.
Noong panahon ng mga Kastila, ang Mariveles ay naging bahagi ng tinatawag na Corregimiento de Mariveles. Malawak ang sakop nito at sinasabing kabilang dito ang Bagac, Naic, Maragondon, at Corregidor. Dahil nasa bukana ng Look ng Maynila, naging mahalagang himpilan at bantayan ang Mariveles para sa mga sasakyang pandagat na pumapasok at lumalabas sa look.
Ibig sabihin, noon pa man, mahalaga na ang Mariveles sa kalakalan, seguridad, paglalayag, at pagtatanggol sa Maynila.
Saan Nagmula ang Pangalang Mariveles?
Maraming paliwanag at alamat tungkol sa pinagmulan ng pangalang Mariveles.
Ayon sa isang salaysay, napakaraming dilis noon sa karagatan ng bayan. Mula raw sa katagang “maraming dilis,” nabuo ang “maradilis,” naging “Marabeles,” at kalaunan ay naging “Mariveles.”
May isa ring romantikong alamat tungkol sa isang magandang dalagang Mehikana na nagngangalang Maria Veles. Sinasabing nakipagtipan S’ya sa isang mayamang Pilipino upang tumakas sakay ng galleon patungong Mexico. Hindi natuloy ang kanilang plano. Sa kanilang kabiguan, nagmongha raw ang dalaga at nagpari naman ang binata. Mula sa pangalan ng dalaga, Maria Veles, isinilang diumano ang pangalang Mariveles.
Maganda ang mga kuwentong ito, ngunit bilang mananaliksik, kailangang malinaw ang pagkakaiba ng alamat at dokumentadong kasaysayan. Ang mga alamat ay mahalaga dahil ipinapakita nila kung paano inuunawa ng mga tao ang kanilang pinagmulan. Pero hindi natin dapat ituring na tiyak na katotohanan ang isang kuwento kung wala pang sapat na dokumentong nagpapatunay rito.
Sa kasaysayan, hindi sapat ang “sabi nila.” Kailangan nating itanong: Sino ang nagsabi? Kailan ito isinulat? At saan nagmula ang impormasyon?
Ang Sinaunang Pamayanan at Balon Anito
Ayon sa isang lumang dokumentong tinukoy bilang Datos Facilitados por el Presidente Municipal a la Secretaria Ejecutiva, ang mga unang mamamayan ng Mariveles ay nanirahan sa Sitio Semento, malapit sa Balon Anito.
Ang Balon Anito ay isang bukal na may mainit at kumukulong tubig. Pinaniniwalaan noon na may diwata o espiritung nagpapakita sa lugar. Dito nagsasagawa ng mga katutubong paniniwala at pagsamba ang mga unang naninirahan sa pamayanan.
Nang dumating ang mga misyonerong Kastila, sinikap nilang baguhin ang katutubong pananampalataya at gawing Kristiyano ang mga mamamayan. Ayon din sa salaysay, isang naunang misyonerong Kastila ang nilapastangan at pinatay sa lugar.
Ipinapakita nito na ang Mariveles ay mayroon nang sariling kultura, paniniwala, at pamayanan bago pa tuluyang maitatag ang kapangyarihan ng mga Kastila.
Mariveles Bilang Bantay ng Look ng Maynila
Dahil sa lokasyon nito, naging natural na pintuan ang Mariveles patungo sa Look ng Maynila.
May mga salaysay na nagsasabing dumaong sa Sitio Lusong, na mas kilala ngayon bilang White Beach, ang puwersa ng piratang Tsino na si Limahong noong ika-16 na siglo. Binabanggit din sa lumang kasaysayan ang isang labanan sa dagat sa pagitan ng mga Kastila at Olandes sa malawak na look ng Mariveles.
Ang mga detalyeng ito ay kailangan pang siyasatin at pagtugmain sa ibang sanggunian, ngunit malinaw ang isang bagay: hindi kailanman maliit ang papel ng Mariveles sa paglalayag at pagtatanggol sa Maynila.
Ang Lazareto at Agua Santa
Itinatag din sa Mariveles ang isang lazareto o pasilidad para sa kuwarentenas at paggamot ng mga taong may nakahahawang sakit.
Ayon sa lumang salaysay, ginamit bilang leprosarium ang lugar na kalaunan ay naging bahagi ng pasilidad para sa kalusugang pangkaisipan. Ang tubig sa Balon Anito, na tinawag na “Agua Santa,” ay pinaniniwalaang may kakayahang makatulong sa paggamot ng mga taong may ketong.
Sa paglipas ng panahon, naging mahalagang bahagi ng pambansang sistemang pangkalusugan ang Quarantine Station ng Mariveles. Dahil dito, nagsilbing unang depensa ang ating bayan laban sa mga sakit na maaaring dalhin ng mga barko at pasaherong pumapasok sa Pilipinas.
Bago pa naging uso ang salitang health security, ginagawa na ito sa Mariveles.
Ang Himagsikan sa Mariveles
Hindi lamang tahimik na nanood ang mga taga-Mariveles habang nakikipaglaban ang ibang bahagi ng bansa para sa kalayaan.
Noong 1896, sinimulan nina Francisco Dinglas, na tinaguriang “Walang Sugat,” at Santiago Barcarse ng Cabcaben ang isang kilusan laban sa mga Kastila. Noong unang bahagi naman ng 1897, nagtatag ng kilusang panghimagsikan sa Sisiman si Florentino Llagas. Bagama’t hindi nagtagal ang kilusang ito, hindi namatay ang hangarin ng mga taga-Mariveles na makalaya.
Sa pagtatapos ng 1897, muling lumakas ang kilusan sa tulong nina Cosme Vida, Anastacio Vida, at Agapito Tirona mula sa Kawit, Cavite. Nakipag-ugnayan ang mga rebolusyonaryo sa himpilan ni Heneral Emilio Aguinaldo at sa tanggapan ni Obispo Gregorio Aglipay sa pamamagitan ng mga emisaryong sina Domingo Yraola at Rafael Echevarria.
Itinakda ang pagsisimula ng himagsikan sa Mariveles noong Mayo 31, 1898.
Ang napagkasunduang hudyat ay ang ikatlong pagtugtog ng bombo, na tinawag na “Hudyat sa Banaag ng Kalayaan.” Ang makasaysayang araw na iyon ay nakilala bilang “Araw ng Kupuhan.”
Cabesang Tonang at ang Sigaw ng Kalayaan
Isa sa pinakamahalagang pangalan sa kasaysayan ng himagsikan sa Mariveles ay si Agatona De Leon Gonzales y Sarreal, na mas kilala bilang Cabesang Tonang.
Hindi lamang S’ya isang tanyag na babae sa bayan. Isa S’yang matapang na pinuno na nanguna sa pagpapalaya ng Mariveles mula sa mga Kastila.
Nang marinig ang hudyat ng himagsikan, buong tapang S’yang nanawagan:
“Salakay, mga kapatid!”
Sa sigaw na iyon, nagsimula ang pagkilos ng mga mamamayan.
Para sa akin, personal ang bahaging ito ng kasaysayan. Si Cabesang Tonang ay bahagi ng aking sariling angkan. Ina S’ya nina Esteban Gonzales at Melchor Gonzales, na kapwa kinilalang mga Katipunero ng Mariveles. Kaugnay rin S’ya ng angkan ng mga Sarreal, kabilang sina Jose Sarreal at Carlos Sarreal.
Hindi lamang mga lalaki ang lumaban para sa kalayaan. May isang matapang na babae mula sa Mariveles na tumayo sa harapan at sumigaw upang gisingin ang tapang ng kanyang mga kababayan.
Iyan si Cabesang Tonang.
At iyan ang isang kasaysayang hindi dapat mawala sa alaala ng Mariveles.
Mula sa Himagsikan Tungo sa Panahon ng mga Amerikano
Hindi natapos ang pakikibaka nang umalis ang mga Kastila. Nagpatuloy ang digmaan, ngunit ang bagong kalaban ay ang mga Amerikano.
Naging kanlungan ang kabundukan ng Mariveles ng ilang mahahalagang pinuno ng rebolusyon. Kabilang sa mga iniulat na nagtago rito sina Manuel L. Quezon, na kalaunan ay naging Pangulo ng Commonwealth, at Heneral Artemio Ricarte.
Sa panahon ng pamamahala ng mga Amerikano, lalong naging mahalaga ang Quarantine Station ng Mariveles sa ilalim ng United States Public Health Service. Layunin nitong bantayan ang kalusugan ng buong bansa laban sa mga sakit na maaaring pumasok mula sa ibang bayan at bansa.
May salaysay din tungkol sa pagdating sa Mariveles ng mga barkong may sakay na mahigit isang libong Ruso na tumakas kaugnay ng kaguluhan at himagsikan sa Russia. Ang pangyayaring ito ay nagpapakita na maging sa pandaigdigang kasaysayan, nagkaroon ng kakaibang papel ang ating bayan.
Ang Mariveles Bilang Himpilang Militar
Bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, naging pangunahing lugar ang Mariveles sa paghahanda ng depensa ng Bataan at Look ng Maynila.
Itinayo rito ang malalaking ospital militar, imbakan ng armas, quartermaster facilities, paliparan, mga pasilidad pandagat, floating docks, at dry docks. Gumawa rin ng mga Army Trail sa kabundukan upang maiugnay ang Mariveles sa Limay, Bagac, at iba pang karatig na lugar.
Taun-taon ding nagsasanay sa Mariveles ang ilang batalyon ng Philippine Scouts.
Hindi aksidente na naging sentro ng operasyong militar ang bayan. Ang lokasyon, daungan, kabundukan, at lapit nito sa Corregidor ang nagbigay sa Mariveles ng napakalaking halaga sa pagtatanggol sa bansa.
Mariveles at ang Death March
Nang bumagsak ang Bataan noong Abril 9, 1942, nagsimula ang isa sa pinakamalupit na kabanata ng ating kasaysayan.
Mula sa Mariveles at iba pang bahagi ng Bataan, sapilitang pinalakad ng mga Hapones ang libu-libong sumukong sundalong Pilipino at Amerikano. Gutom, uhaw, sugatan, at pagod ang mga bihag. Marami ang binugbog, pinahirapan, o pinatay habang naglalakad patungong Camp O’Donnell sa Capas, Tarlac.
Ito ang tinatawag nating Bataan Death March.
Sa tuwing binabanggit ang Death March, kailangang sabihin nang malinaw na isa sa mga pangunahing pinagsimulan nito ang Mariveles. Dito tumuntong ang libu-libong paa ng mga sundalong halos wala nang lakas. Dito nagsimula ang kanilang mahabang paglalakad patungo sa gutom, pagpapahirap, at kamatayan.
Hindi ito simpleng bahagi ng tourism brochure. Banal na lupa ang Mariveles dahil diniligan ito ng pawis, luha, at dugo ng mga taong lumaban para sa kalayaan.
Ang Bayang Hindi Pinayagang Tirhan
Sa panahon ng pananakop ng mga Hapones, hindi agad pinahintulutang makabalik sa Mariveles ang mga mamamayan nito. Kumalat ang mga taga-Mariveles sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.
Nang tuluyan silang makabalik matapos ang paglaya, isang wasak at kahabag-habag na bayan ang sumalubong sa kanila.
Noong Marso 22, 1945, muling itinatag ang pamahalaang sibil ng Mariveles sa pamumuno ni Mayor Silvestre Yraola. Dahil wala pang sapat na hanapbuhay, naging mahalaga ang pagdating ng mga barko at pasilidad ng 3rd Ocean Towage and Lighterage Pool, Transportation Corps, at United States Army.
Sa mga barko at pasilidad na ito nakahanap ng trabaho ang marami sa mga unang mamamayang bumalik upang muling itayo ang kanilang buhay.
Mula sa Shipyard Tungo sa Industriyalisasyon
Noong 1949, pinili ang Mariveles bilang lugar ng Bataan National Shipyard. Sumunod ang malawakang quarrying at milling operations ng Bureau of Public Works.
Noong 1955, ang dating Quarantine Station ay ginawang malaking sangay ng pambansang pagamutan para sa kalusugang pangkaisipan. Patuloy ding isinulong ni Congressman Pablo Roman ang planong gawing malayang daungan ang Mariveles. Sa kanyang panahon, naitatag ang Foreign Trade Zone Area.
Sa ilalim naman ng pamamahala ni Mayor Carlos L. Sarreal, nakaranas ng malaking pag-unlad ang bayan. Mula sa pagiging fifth-class municipality, umangat ang Mariveles bilang third-class municipality.
Sa pagdating ng mga pabrika at pagtatatag ng Export Processing Zone, bumilis ang paglaki ng ekonomiya at populasyon. Dumayo ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang bayan at lalawigan. Nagtayo sila ng mga tahanan, negosyo, at bagong pamayanan.
Ang dating tahimik na bayang nakaharap sa dagat ay naging isa sa pinakamahalagang sentrong industriyal ng Bataan.
Ang Mariveles na Dapat Nating Kilalanin
Ito ang Mariveles.
Isang sinaunang pamayanang tinawag na Camaya.
Isang bantay sa bukana ng Look ng Maynila.
Isang bayan ng mga mangingisda, mandaragat, manggagawa, manggagamot, Katipunero, sundalo, lider, at mga pamilyang bumangon mula sa digmaan.
Dito sumigaw si Cabesang Tonang ng “Salakay, mga kapatid!”
Dito naglingkod ang mga Katipunerong sina Esteban at Melchor Gonzales.
Dito itinayo ang Quarantine Station na nagbantay sa kalusugan ng bansa.
Dito inihanda ang depensa ng Bataan.
At dito nagsimula ang masaklap na paglalakbay ng libu-libong bihag sa Death March.
Ngunit hindi rito nagtapos ang kuwento.
Ang Mariveles ay patuloy na umuunlad at nagbabago. Kasabay ng pagdami ng mga pabrika, negosyo, manggagawa, at bagong residente, lalo nating kailangang pangalagaan ang tunay nitong kasaysayan.
Hindi natin dapat hayaang tabunan ng mga gusali ang ating alaala. Hindi dapat mapalitan ng haka-haka ang katotohanan. Hindi dapat mabura ang mga pangalan ng mga taong nagsakripisyo para sa bayan.
Bilang isang lokal na mananalaysay at anak ng Mariveles, tungkulin kong hanapin, itala, suriin, at ibahagi ang mga kuwentong ito. Hindi upang ipagmalaki lamang ang nakaraan, kundi upang malaman natin kung sino tayo at kung saan tayo dapat patungo.
Sapagkat ang bayang hindi nakaaalam ng kanyang kasaysayan ay madaling mawalan ng pagkakakilanlan.
Pero ang bayang kumikilala sa kanyang mga ugat ay may lakas na humarap sa kinabukasan.
Ako si Pocholo De Leon Gonzales.
Isang anak ng Camaya.
Isang taga-Mariveles.
Isang tagapagkuwento ng ating kasaysayan.
Ito ang Pochology Tells History, kung saan ang mga lumang dokumento ay muling nagsasalita, ang mga nakalimutang pangalan ay binibigyan ng tinig, at ang kasaysayan ng Mariveles ay muling binubuhay para sa susunod na salinlahi.
Dahil ang kasaysayan ay hindi lamang tungkol sa mga yumao.
Ito ay tungkol sa ating lahat.
0 Comments