Si “Cabesang Tonang” Ang Tunay na Ina ng San Carlos
Isinulat ni Pocholo De Leon Gonzales AKA The
VoiceMaster
Agatona "Cabesang Tonang" De Leon |
Ako si Pocholo De Leon Gonzales, Anak ni Avelina De Leon Gonzales at Luis Gansit Gonzales taal na taga Mariveles. Lumaki ako sa Kalye ng Jose Sarreal sa Baranggay ng San Carlos sa Mariveles, Bataan. Bata palang ako lagi kong tinatanong sa aking sarili. Sino si San Carlos? Akala ko isa syang Santo.
Lingid Sa Kaalaman ng mga Nakararaming Taal na Taga
Mariveles, Ang Baranggay ng San Carlos ay hindi ipinangalan sa isang santo o
kanino mang mga tao sa simbahan. Ito ay ipinangalan sa taong nagtatag ng
Baranggay ng San Carlos na si Mayor Dr. Carlos “Carling” Lara Sarreal. Si Mayor
Carling ang nagpatayo ng Baranggay San Carlos na nasa Gitna ng Bayan ng Mariveles
noong panahon na kung saan kasalukuyan ding itinatayo ang Bataan Export
Processing Zone o BEPZ taong 1969. Taong 1967 ng si Dr. Carling ay nahalal
bilang Punong-Bayan ng Mariveles at simula noon mula sa 5th Class
Municipality ang bayan ay naging 3rd Class Municipality.
May pinagmanahan ang Ang kagalingan at kadakilaan ni
Dr. Carling sapagkat ang kanyang lola ay walang iba kung ang Dinadakila at
Kinikilalang Ina ng Katipunan at Himagsikan ng Mariveles, Bataan. Walang iba
kung hindi si Agatona De Leon. Si Agatona De Leon ay Kapatid ni Ignacio De Leon
na kung saan nagmula ang lahi ng mga De Leon sa Mariveles. Si Ignacio De Leon
ay napangasawa si Julia Advincula at naging anak si Emilio Advincula De Leon.
Si Emilio kilala bilang Milyong ay nagkaroon ng 3 asawa, una ay si Socorro
Delgado, Pangalawa ay si Zuela “Chelay” Velez at Celerina “Nena” Batungbakal
Mandocdoc. Mula sa asawang si Zuela ay naging anak nila sina Amado Velez De
Leon, Virgina Velez De Leon – Riego De Dios at si Lolita Velez De Leon Cesar.
Si Amado ang ama ng aking ina na si Avelina De Leon Gonzales.
Mayor Carling Lara Sarreal |
Si Agatona ay may unang asawa na nasa lahing Gonzales
ngunit ito ay sumakabilang buhay ng maaga. Sila ay biniyayahan ng dalawang anak
na sina Melchor Gonzales at si Esteban Gonzales. Si Esteban Gonzales ay ang
aking Lolo sa tuhod. Napangasawa nya si Juana Bautista at naging anak nila si
Leoncio Gonzales. Napangasawa nya si Marina Gansit at naging anak nila ang
aking ama na si Luis Gansit Gonzales na naging Municipal Administrator ng
Mariveles sa panahon ni Mayor Jessie Concepcion na naging anak ang Sumunod na isa sa pinakabatang Mayor ng Mariveles na si Ace Jelo "AJ" Concepcion.. Kaya ang aking ama at ina ay
pangatlong pinsan sa Lahing De Leon.
Si Esteban Gonzales at si Melchor Gonzales ay ang mga
kinilalang mga bayani ng Katipunan sa bayan ng Mariveles. Dumalo sila sa pulong
na magkaroon ng kasulatan na tinawag na “Acta ng Katipunan.” Nilagdaan nila ng
sarili nilang dugo ang kasulatan at nanumpa na kahit anong uri ng hirap ng
kaparusahan ay hindi ibubunyag ang tuntunin at doktrina ng Katipunan.
Itinakda ang Simula ng Himaksikan sa Mariveles noong
ika-31 ng Mayo taong 1898. Pinagkasunduan nilang pagkatapos ng ikatlong
pagtulog ng bombo na tinagurian “Hudyat sa Banaag ng Kalayaan” at tinawag na
“Araw ng Kupuhan.”
Ang himagsikang ito ang pinakamadali, mabilis, hindi
madugong labanan at ang pinakamatagumpay sa kasaysayan ng Mariveles. Sa
pangyayaring ito kinilala ang kadakilaan ni Agatona De Leon na tinaguriang “Cabesang
Tonang” na naging simbolo ng Ina ng Katipunan ng Mariveles, Bataan at siya ring
nanguna sa pagpapalaya sa ating bayang mahal laban sa malupit at
mapagsamantalang mga Kastila. Siya ang kaisa-isang Babae na namuno, sumugot at
sumigaw ng “Salakay mga Kapatid!” na naging hudyat ng pagsisimula ng himagsikan
sa Bayan ng Mariveles. Nakapangasawa niyang muli ang isang kilalang Gobernadorcillo
ng bayan ng Imus, Cavite na si Julian Sarreal. Tinawag na “Copo De Mariveles” o
Mariveles Coup d’etat ang madugo ngunit matagumpay na kabanata ng kasaysayan ng
ating bayan.
Mayor Esteban De Leon Gonzales |
Si Cabesang Tonang din ang isa sa mga unang nagtaguyod
ng relihiyong Aglipayano o Iglesia Filipina Indepediente (Aglipay Church) dahil
sa pangaalipin at pagpapahirap ng mga Kastila sa mga Pilipino kasama ang
mga pamilya ng mga bayari ng “Copo de
Mariveles” noong 1898.
Ang mga naging anak ni Cabesang Tonang ay ang mga
nagsilbing leader ng ating bayan matapos ang himagsikan. Naririyan si Melchor
Gonzales at Esteban Gonzales. Naglingkod si Esteban Gonzales bilang Pambayang
Hukom at naging Punong Bayan noong 1908 sa Panahon ng mga Amerikano. Siya rin
ang nagsimula ng kauna-unahang Elementaryang Eskwelahan sa Mariveles.
Ang panganay na anak naman ni Agatona sa pangalawang
asawa na si Julian Sarreal ay si Jose De Leon Sarreal, Sr. (Sa kanya pinangalan
ang Jose Sarreal St., sa San Carlos) ang isa sa mga nakakariwasang pamilya sa
Mariveles. Isa syang negosyante bago pumasok sa larangan ng pulitika. Naitalaga
siyang “Kapitan Municipal” o Mayor noong 1898. Naging pang labing-tatlong (13th)
Mayor ng Mariveles at nahalal at nanungkulan sa loob ng anim na taon.
Nagkaroon ng apo si Cabesang Tonang, sya si Carlos
Lara Sarreal at naging pang-labingpitong Mayor ng Mariveles. Nanungkulan ng
tatlong termino mula 1968-1979. Pinanganak sya noong November 4, 1936. Si Mayor Carling ang nagtayo ng Mariveles
Water District at ng Pamilihang Bayan ng Mariveles. Dito makikita na ang Pamano
o Legacy ni Cabesang Tonang ay tunay na nananalaytay sa dugo ng mga lahing
sumunod sa kanya. Masasabing si Agatona De Leon talaga ang tunay na ina ng San
Carlos at ng bayan ng Mariveles.
Bilang apo sa Talampakan ni Agatona De Leon. Isa lang
ang tanging hangad at hangarin ko sa
kasalukuyan at kinabukasan ng bayang ito lalong lalo na sa Kabataan.
Huwag nating kalimutan ang kasaysayan at ang mga ginawang sakripisyo at
pagmamahal ni “Cabesang Tonang” upang makamtan natin ang Kalayaan at isapuso at
isipan natin ang pagiging Makabayan at mapagmahal sa ating pinagmulan at ang
pamana ng kasaysayan.
Mabuhay ang Baranggay San Carlos! Mabuhay ang Bayan ng
Mariveles!
0 Comments